CAMPUS LIFE: 2006-40325 @ the University of the Philippines – Los Baños [Part V]

Umuulan na naman ng bulak sa lower campus. Kapag parating na ang April, parang nauulanan ng snow ang paligid dahil sa nagkalat na puting bulak na walang tigil sa pagbagsak na sumasabay sa daloy ng hangin. Hindi karaniwan sa akin ang tagpong ito kahit na ilang taon ko na namang nakikita ang mga bulak na yon. Nasabik ako sa mga dadating pang araw. Nakita ko na ang pangalan ko sa isang bulletin board sa may harap ng Office of the College Secretary ng College of Arts and Sciences (CAS). Binati na ako ng sikat na sikat kong adviser na si Sir Duldulao noong napasama pa ang Special Problem (SP) ko sa candidates for best SP. Kumpleto na rin ang mga pirma sa clearance. Parang napakagandang araw meron bukas, sa isang araw at sa ilan pang ma susunod na araw. Eto yung pagkakataong gusto mong isipin lahat-lahat ng naranasan mo at sabihing “Yehes naman, nalampasan ko pala ang mga yun!”

Name: Marlon Anico Jaurigue
Student Number: 2006-40325
College: College of Arts and Sciences (CAS)
Home Institute/Department: Institute of Computer Science (ICS)
Degree: B.S. Computer Science

Related Posts:

Mga Gunita

Palapit na ng palapit ang araw na iyon, habang sa Freedom Park naman ramdam na ramdam ko na parang inihahanda nila ang paligid sa mga mangyayari. Parang pinamakagandang entablado ang nakikita ko. Isang napakahalagang seremonya ang magaganap. Ang dami kong naiisip. Nagsimula ang lahat sa isang UPCAT Application Form; isang napakahabang papel na humihingi ng napakaraming dokumento at iba pang requirements. At ilang araw na lang, magtatapos ito sa isang martsa na magtutuldok sa napakalaking bahagi ng aking buhay at magsisimula sa panibagong mga hamon.

Masayang may lungkot. Ang dami ko nang maiiwan. Mga naging kaibigan. Hindi ko na sila araw-araw makikita. Ang Red Mansion. Ang tindahan ni Mang Pogs. Ang tinapay na butterfly bakery sa tapat ng tindahan ni Mang Pogs. Ang hallway ng ICS. Ang ambiance ng mga laboratories at lecture halls. Ang apartment nina Rizza. Si Oble na hindi na nangalay. Si Mariang Banga na hindi malaman kung paano hahawakan ang banga. Si Pegaraw na hindi na natuloy-tuloy lumipad.

University of The Philippines Commencement Exercise 2010

University of The Philippines Commencement Exercise 2010

Ang Araw na Naitakda

Parang lahat ng nakikita ko ang ganda. Parang in slow motion ang lahat. Yung red carpet. Ang tugtog ng Harmonya at ang walang hintong kumpas ng kanilang maestro. Buti na lang dumating ang araw na iyon na hindi umuulan. Pero kahit naman uulan, wala akong pakialam. Matutuloy at matutuloy ang lahat.

Malayo ako kina Mami. Hindi ko sila nakikita mula sa kinauupuan ko. Pero sama sama sila sa isang lugar sa Freedom Park malapit sa isang malaking LED screen.

Madami-dami kaming graduates. Unang tinawag ang mga mula sa College of Agriculture. Hindi rin nagtagal at college na namin ang isa-isang pinaakyat. Madami kaming mula sa College of Arts and Sciences. Pinakamalaki kami sa buong UPLB.

“Kum-law-diii” (with a twang)

Sa loob ko may salitang “sana ako din”. Hahaha. Pero hindi naman ako nanghihinayang kasi ang GWA ko ay malayo sa pagiging Laude. Naiisip ko lang na sana mas nagsipag pa ako. Pakiramdam ko kasi madaming oras rin ako na may katamaran.

Umakyat na ako at bumaba. Iba sa mga graduations na naranasan ko. Mabilis lang ang naging exposure ko sa stage unlike noong elementary at highschool. Pero kakaiba sa pakiramdam. Hindi ko maipaliwanag. Parang habang umaakyat ako noon at naglalakad papunta sa gitna, hindi matapos tapos ang dinadaanan ko. Parang may filter ang lense ng mata ko sa mga nakikita ko noon. Then nung nakabalik na ako sa upuan, parang naalimpungatan ako na biglang nagbalik ako sa sarili. Ang gulo ba? Yaan mo na.

Natapos ang lahat. May fireworks. Tinitingnan ko ang paligid. Masaya ang lahat. Kita ko ang mga orgmates ko pati mga naging kaklase ko sa ibang non-major subjects. Pinuntahan ko si Rizza. Nakita ko siya kahit malayo pa lang. Habang lumalapit ako, nanonood kami pareho ng mga fireworks na para bang nagyayabang sa ibabaw namin. May mga umiiyak sa tuwa sa paligid. May mga nagyayakapan. Para akong audience na nanonood sa kanila kahit kasama nila ako. Habang palabas sa graduation ground, nasasalubong ko ang mga kaibigan ko. Binabati nila kami. Mga dati kong housemates. GE classmates. Orgmates. Mga kaibigang maiiwan ko sa Elbi. Kinakamayan nila ako. May mga sinasabi sila at isinisigaw. Hindi ko na naiintindihan masyado. Pero nakangiti ako at sumasagot na lang basta. Nagkakaintindihan kaming lahat. Ang gaan sa pakiramdam. May pakiramdam na isa kang sundalong lumaban ng bakbakan sa malayong lugar na ngayo’y bumalik ka at sinasalubong ng mga tao.

Hinanap ko sina mami. Sumama na si Rizza sa pamilya nya. Yung ibang mga taga malalayo, siguro magpapaumaga na. Pauwi na kami. Ang daming tao. Inaasahan ko ang traffic pero wala kahit konti sa pakiramdam ko na maiinis sa matagal na ipipila sa kalye palabas ng unibersidad. Natapos ang araw na iyon. UP Graduate na ako.

*******

Advertisements

3 thoughts on “CAMPUS LIFE: 2006-40325 @ the University of the Philippines – Los Baños [Part V]

  1. Time check. 11:37. 🙂 Natapos ko ring basahin mula part I-V. Very encouraging. Dream ko talaga sa UP magcollege eh. Kaya lang hindi ako nakapag-UPCAT noong high school. At ngayong graduate na ako ng college gusto ko mag-aral ulit, sa UP.

    Kung sakali, kailangan ko pa bang mag UPCAT? UPLB ang target ko, Veterinary Medicine sana. Hindi ko lang alam kung saan magtatanong kasi malayong-malayo ako sa Laguna, kailangan ko pang mag-airplane. Hehe. Anyway, nakakaaliw basahin ang tungkol sa campus life mo.

  2. Sa pagbabasa ko nito para narin akong kasama sa mga karanasan ng sumulat. Somehow, para ko narin nakilala ng personal ang tao sa likod ng mga kwentong ito. Galing.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s