Tila Pangalawang Buhay

Eh ano kung traffic sa EDSA at kahit ang pagpasok ng Ayala. Eh ano kung hindi maganda ang naging pagtubo ng ngipin ko. Eha no kung nagkakatagihawat. Eh ano kung mainit ang panahon tagaktak ang pawis umagang-umaga palang. Eh ano kung hindi ko nabibili ang madaming bagay na gusto ko. Buhay ako, yun ang mahalaga. Hindi na ako matatakot sa paglipas ng oras, sa pagdating ng bukas, isang araw, isang linggo o mga susunod pang buwan.

May nagdaang limang araw sa buhay ko na tila tumagal ng higit sa isang taon. Pag-aalala, panlulumo, pagsisisi, pagsamo, pagmamakaawa sa Diyos, at pilit na pagpapakatatag. Pagod kahit hindi gumagalaw. Walang lakas para gawin ang mga bagay na karaniwan sa araw-araw. Hindi makatulog ng maayos sa pag-iisip. Walang malapitan. Natatakot. At tanging ang sarili lang ang pinagkakatiwalaan. Tila ipinaranas ng Dyos ang buhay ng isang taong walang linaw ang magiging bukas, buhay na ipinagpupustahan kay kamatayan, buhay pinaghahandaang mawala, may taning, hindi na magiging maligaya at  pag-utas sa mga plano at pangarap. Napakahirap. Napakasakit. Lalo na kung walang may alam, kung walang mapagsabihan. Wala kang kalaban laban sa kapalarang ibinigay sayo na siguro ay parusa sa mga nagawang kasalanan.

Huwad na mukha ang dinala ko sa araw-araw ng limang araw na iyon. Sa tuwing may kausap ay ngingiti lamang kung kailangan upang hindi mandamay at maipahalata ang emosyong lumalamon ng isip at puso. Pilit na sinasabi sa sarili na magiging maayos din ang lahat ngunit sa tuwing inaalala ang bukas at mga susunod pang araw ay nawawalan ng loob para tumatag. Ang pag-iisa ay kinatatakutan sapagkat iyon ang pagkakataong kakainin ang buo kong pagkatao ng panlulumo, kawalan ng pag-asa, at awa sa sarili. Mas nais manatiling may mga tao sa paligid kahit wala silang kaalam-alam sa mga guni-guni sa aking kalooban. Sa tuwing kasama ko ang mga mahal ko sa buhay ay hindi ko namamalayang isa-isa ko pala silang tinititigan. Nagsasalita ang isip at kinakausap sila gamit ang imahinasyon tungkol sa mga gustong sabihin, nangingiti sabay mahihikbi, magtatago ng emosyon at hihinga.

Ang ikalimang araw ang pinakapinanabikan at maaari ring katakutan. Ang pagharap sa katotohanan ay mainam pero sobrang sakit kung itatakwil ka ng buhay. Kahit mag-isa akong humarap, ako’y nagpasalamat sa isang kaibigan na nakinig sa akin at kahit papano may nagpatatag sa akin. Ang isang pirasong papel na may nakatatak na labing-isang pulang titik ang nagpalaya sa akin bigat na nararamdaman. Napakasaya. Tila muli akong nabuhay. Napakagaan ng pakiramdam. At nakakaya kong ngitian lahat ng taong masasalubong sa daan.

Eh ano kung traffic ang daan pauwi, eh ano kung mainit ang panahon, eh ano kung napakaraming tao at ako’y nakikipagsiksikan, buhay naman ako. Mabubuhay ako bukas. Mabubuhay ako sa isang araw at magagawa ko ang plano ko para sa pamilya ko na walang pag-aalalang maiiwan ko sila sa hindi kagandang kalagayan. Ang araw na ito ay hindi magiging ganun kasaya kung hindi ko naranasan ang maging alipin ng guni-guni.  Natuto ako. Nangako ako sa Kanya. Marahil ay katha lang ng aking magulong isip ang ilang mga bagay sa nagdaang mga araw. Pero kahit ganoon man, sobra ko na ngayon pinahahalagahan ang buhay. Natuto ako na mas magpasalamat sa mga bagay na meron ako. Swete ako. Sa pag-uwi ko mula sa isang pampublikong bulwagan, napagtanto ko na wala ako karapatang magreklamo sa mga bagay na masyado maliit para idaing. Madami ako natanggap na biyaya mula nang ako ay ipanganak at siguro panahon na rin naman upang magbigay ako sa iba at maging biyaya para sa iba.

Marami akong natutunan. Marami akong hindi malilimutan. May mga aral na itinuturo ang panahon at pagkakataon na naibigay sa akin sa nagdaang limang araw na iyon. Masasasabi kong hindi ako ganun katapang at katatag para humarap sa mga problemang hinaharap ng iilang taong hindi pinalad. Alam ko at naniniwala ako na nabigyan ako ng pangalawang pagkakataon sa mundong ito.  Siguro ay walang makakaunawa sa mga sinasabi ko sa sulating ito, pero ginawa ko ito dahil gusto kong ilabas ang nararamdaman ko.

*******

Advertisements

One thought on “Tila Pangalawang Buhay

  1. Life changing event?

    Ang ganda ng isinulat mo. My turn.

    Ang buhay nga ba ay katapat ng isang kusing, babangon ka at gigising upang harapin ang mga nais umalipusta sa iyong mga ginagawa? Kamakailan lamang ay napagtanto ko ang kahulugan ng hustisya ng Diyos, na siya nga namang nangingibabaw sa hustisya ng tao.

    Lagpas sa aking gunita, higit sa aking kamalayan, ngunit aking nasisilip ang maliliit na pahiwatig nito tulad ng mga alitaptap na nagliliparan sa dilim.

    Buhay. Buhay. Buhay.

    Ay siyang isinasawalang bahala ng mga mangmang, ng mga nais lamang mabuhay. Kain, tulog, inom, kain, tulog, inom, kain, tulog at inom muli. Batid ko na ang aking mga salita ay may bahid ng kapaitan. Hindi ganito ang buhay ko, at hindi rin ito ang nais ko. Ito lamang ang aking namamatyagan sa aking pagmumuni-muni – sa pakikipamuhay sa nayon.

    Ang buhay ay may halagang limang libong piso lamang. Ha? Anong sinasabi ko? Hindi ako ang may sabi niyan, yan ang sabi ng isang matandang lumapit sa kin kamakailan lang. 5,000 pisoses.

    May kaaway ka?

    5,000 pisoses.

    Marahil ay mas mura pa nga ang buhay kung magbabasa ka ng Tik-tik o ng Bulgar. Kung minsan, 50 pesos lamang ay ayan, wala na siyang buhay.

    Ako’y lumaki na ang turo sa akin ay mahalaga ang buhay. Bakit kaya ganito? Iyon ang tinuturo sa atin, ngunit ang katunayan ay ang kabaligtaran ng totoo?

    Si Ruel tinaga ang kapatid ni Belen, buhay pa, ngunit pinagbayad sa ospital. Ayaw magbayad ni Satanas, pero sige na nga 300 pesos lang daw ang nasa bulsa niya. Mahirap lang daw kasi siya, yan ang sinabi ng tatay niya.

    Nasan na ang hukuman?
    Nasan na ang katarungan?
    Ano nga ba ang solusyon?
    Mahalaga nga ba ang buhay?

    Tanong mo kay Google ang sambit niya lamang ay 42.

    Ayan at sige, itaya mo sa jueteng, baka ikaw ay swertehin.

    Kung minsan ay ipinangangahas kong sabihin na aking edukasyon ay kulang pa. Bakit, sapagkat hindi ko rin masagot ang aking mga katanungan.

    Pawang yung taxi driver lamang ang nakapag sabi sa kin ng katotohanan.

    Sabi niya, “Ang lipunan natin ay hindi magbabago – sapagkat mas makapangyarihan ang mga masasamang tao. Kailan tayo magbabago – never, pakshit. Maisasaayos lamang ang lahat kapag magugunaw na ang mundo.”

    Watdapak. Totoo…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s